Marami ang nakakakilala kay Doña Patricia. Isa siyang celebrity. Ang kanyang pag-aalay ng panahon sa mahihirap ay laging naipapalabas sa telebisyon.

Isang umagang pagkaganda-ganda, tumigil ang magarang sasakyan ni Doña Patricia sa isang hotel. Biglang lumapit sa kanya ang isang madungis na pulubi at humingi ng limos sa kanya. Pinagmasdan ni Doña Patricia ang pulubi mula ulo hanggang paa. Nais na niyang iwan ito na may pandidiri, nang biglang bumulong ang isa sa kanyang mga kasama. Nabanggit nito kay Doña Patricia na may mga miyembro ng media na nakaabang sa labas ng hotel.

Pagkarinig nito, niyakap agad ni Doña Patricia ang pulubi at inabutan ng maraming limos. Niyaya ni Doña Patricia ito upang kumain sa restaurant ng nabanggit na hotel. At heto, kaharap ng mga taong nanonood sa kanya, nagpamalas ng kakaibang pag-aaruga at pagmamahal si Doña Patricia sa pulubi.

Matapos ang maghapong pagpapakain at pag-aaruga sa isang pulubing ‘di kaanu-ano, umuwi si Doña Patricia… naligo at nagpahid ng alcohol sa buong katawan… Nag-amoy pusali siya dala ng pagyakap sa nabanggit na kapus-palad.

Kinabukasan, bumangon si Doña Patricia na may galit sa kanyang mga mata. Ikinalat niya ang mga pahayagan sa kanyang malapalasyong bahay. Wala kahit isa man lang sa kanila ang nagbalita ng kanyang pagpapakain at pagyakap sa isang pulubing binigyan niya ng pansin. Kahit ang mga telebisyon noong nakaraang gabi ay ‘di rin nagbanggit ng kagandahang-loob na ito!

Kaawa-awang Doña Patricia, hindi niya alam ang tunay na kahalagahan ng makatarungang pagbibigay.